Syentistang Skolar ng Bayan para sa Inangbayan

Posted on April 25, 2012 by

0


para sa Class 2012 ng UP College of Science
ni Rolando B. Tolentino

Dekano Jose Maria Balmaceda, mga opisyal at direktor ng Kolehiyo ng Agham at ng Unibersidad, mga fakulti at mag-aaral, mga magsisipagtapos, kanilang mga magulang, pamilya, kaibigan at karelasyon, pati na ang kanilang stalkers at kaaway, magandang hapon sa inyong lahat.

 

Ikinararangal kong magsalita sa inyong harap ngayon, lalo na sa idea na ang recognition speaker na pinipili ng inyong Kolehiyo ay galing sa mga taga-labas ng Kolehiyo.  Parang ganito ang nakasaad sa imbitasyon ni Dr. Ganni Tapang, “to provide words of wisdom to the graduates, coming from your field.”

 

Bigla kong naisip, ano nga ba ang expertise ko:  nagkukuwento ako ng mga bagay na nasa utak ko, damdaming nasa puso; naghahabi ng kwento ukol sa malls, Magnum ice cream, Youtube video hits, at iba pang bagay na nasa utak ng ibang tao; nanlalait ng pelikulang sinayang ang potensyal?  At natuwa naman ako, sa idea na ang ginagawa ko—ang tinatawag na expertise—ay hindi lamang may dating sa ibang tao’t larangan, pero ginagawa at ikinatutuwa kong gawin.

 

Ang pakiramdam ko ay galak at excitement ngayong hapon.  At iniisip ko habang sinusulat ko ang talumpating ito, ano nga ba ang pakiramdam ko nang nagtapos ako noong 1986?  Iniisip ko rin kung ano ba ang pakiramdam ng magsisipagtapos ngayong hapon.  Ang paniniwala ng matatanda kapag bagong taon, huwag magkaroon ng negatibong pakiramdam dahil ito ang magiging kalakaran sa isang buong taon.  Kayo ba, ano ang pangunahing pakiramdam ninyo ngayong hapon?  Excited din ba kayo?  Gusto na lamang bang matapos ito, mag-photo op para sa profile pix sa Facebook, kumain at gumimik na, o nagpa-panic attack dahil simula bukas, wala na ang sistema ng allowance mula sa magulang?

 

Mapalad kayo, Class of 2012, dahil nasilayan na ninyo ang hinaharap ng inyong Kolehiyo:  spesyal na seksyon sa UP Diliman campus, mga bagong-tayong gusali, sariling oval, mga bagong pagtatangi sa syensya sa unibersidad at sa bansa.  Mapalad kayo dahil nagtagumpay kayo kahit na ganito ang pangkalahatang sistema ng edukasyon sa bansa:  “sa 100 na pumasok ng Grade 1, 86 lamang ang magtutuloy sa Grade 2, at kapag umabot sa Grade 6, 65 lamang ang makakapagtapos; 58 ang makakatuntong ng First Year, at 42 na lamang ang makakapagtapos ng high school”[i] na sinasabing ang 42 percent na completion rate ay kapantay o mas mababa pa para sa Korea, Taiwan, Thailand at Malaysia noong 1950s[ii]; at sa 42 o 43 na nakapagtapos ng high school, 23 lamang ang makakatuntong ng kolehiyo, at 14 lamang ang makakapagtapos nito[iii].

 

Sa katunayan sa 3.1 milyong nagtapos ng high school noong 2011[iv], may 60,000 lamang ang aplikante sa UPCAT[v], lampas sa kalahati nito ay pinili ang UP Diliman bilang unang preference[vi], mga 13,000 ang pumasa[vii], may 4,000 ang tinanggap sa UP Diliman, pero may 400 lamang ang nag-landing sa Kolehiyong ito[viii].  Mapalad kayo dahil nasa pinakamagaling at pinakamalawak ang saklaw ng mga programa sa bansa ang inyong Kolehiyo.  Gayundin, ang inyong mga kaklase ay galing sa pinaka-diverse na backgrounds, at ang inyong edukasyon ang pinakamainam na aproximasyon ng liberal na edukasyong maaring matamasa sa bansa.  Lalo kayong mapalad dahil subsidized pa rin ang inyong tuition fee ng mamamayang Filipino, kalakhan ay mula sa pinakamahirap na hanay.

 

Pinili ninyo ang UP at pinili rin kayo ng UP.  At piliin ninyong isabuhay ang tatak UP, kaya kayo skolar ng bayan.  Hindi kayo simpleng “man for others” ng isang unibersidad sa tabi-tabi natin, at hindi rin kayo tungo sa “community of learners and scholars who value the pursuit of new knowledge within the perspective of Christian ideals and values”[ix] ng isa pang unibersidad sa malayong planeta mula sa atin.

 

Kayo ay skolar ng bayan, na silang mayoryang mamamayan na nagtustos ng inyong pag-aaral ang inyong magiging balon ng akwantabilidad sa hindi malayong hinaharap; sa katunayan, simula bukas lamang at sa natitira lamang namang bahagi ng inyong buhay.  Sa kanilang interes ninyo dapat isaalang-alang ang inyong magiging personal at profesyonal na interes at pag-unlad.  Kung wala sila, wala tayong lahat dito sa unibersidad, at hindi mangyayari ang okasyong ito sa lugar na ito.

 

Kayong inakay at pinagyaman ang buhay ni Inangbayan ay ngayon inihahatid kayo sa pinto ng inyong mga buhay at bukas.  Sa inyong formal na pagtatapos sa Kolehiyo at unibersidad, ang inyong hinaharap—ang mga panaginip at aspirasyon–ay ialay sa kanya, kay Inangbayan at nang mas marami pa ang makapasok, mapagyaman ang buhay, magkaroon ng laban para sa magagandang kinabukasan.

 

Ang graduation parang pag-ibig:  ito ay pagwawakas, ito ay pagsisimula.

Ang graduation parang pag-ibig:  only for the righteous and the truly deserving dapat.

Ang graduation parang pag-ibig:  ang isinasaalang-alang na ay hindi na lamang ang kapakanan ng sarili.

 

Ang isang kaba ko sa pagtanggap maging recognition speaker ay kung mayroon na ba akong balon na may malalim na dunong sa buhay na maaring ipubliko bilang template ng isang produktibong buhay.  Sa katunayan, nag-Youtube ako at naghanap ng ilang maaring maging modelo.  Talo ako dahil wala pa naman akong taning sa buhay, at least sa aking pagkakaalam, na maaring maging dagdag na kredibilidad na been-there-done-that.  Hindi naman ako dating talk show host din na namamaalam na sa kanyang palabas, at handang tukuyin ang mga dekadang karanasan sa telebisyon.  Hindi rin ako negosyanteng nagpagawa ng mga gusali sa isang unibersidad at ginawang commencement speaker, at ang ginawang speech ng mga staff… at well, huwag na lang natin pag-usapan pa.

 

Sa aking karanasan, heto ang nais kong ibahagi pa sa inyo, sa pinakabagong syentistang skolar ng bayan.  Umibig nang lubos dahil dito magkakaroon ng ibang konsiderasyon labas sa sarili.  Masawi nang lubos dahil kung gaano ka katinding umibig ay ganoon ka ring katinding pulutin ang nakakalat na sarili sa sahig.  Magpatawad pero huwag kumalimot.  Mangarap nang malaki dahil libre naman.  Manindigan dahil ito ang nagpapaiba sa tao kaysa sa ibang nilalang sa mundo.  Manindigan para sa iba, lalo na iyong hindi kayang maninindigan para sa sarili.  Magpursigi nang lubos dahil paano maabot ang malalaking pangarap kung hindi magpupursigi?

 

Magpursigi kahit tila talo at olats na dahil madalas mas maraming matutunan sa pagkatalo na magtutuloy sa tagumpay.  Magbasa ng panitikan dahil ito naman talaga ang dapat mabasa sa lifetime na ito.  Manood at magustuhan ang pelikulang may subtitles dahil hindi naman umiinog ang mundo sa planet Hollywood.  Magbiyahe para literal na matanaw ang iba pang mundo, ang lawak at saklaw ng mundo.  Magnilay-nilay, lalo na sa pinaka-hectic na mga panahon, dahil kailangan matagpuan ang sarili sa gitna ng kaguluhan.  Maging mabuting kaibigan, maging mabuti sa pamilya.

 

Parating buksan ang pag-iisip dahil walang papasok na bago kung nakasara ito.  Maging mabuting kaibigan dahil sa sandali ng krisis, kailangan mo ng dial-a-friend.  Maging mabuti sa pamilya dahil, sa huli, sila at kayo.  Maging ambisyoso sa mga pangarap pero mapagkumbaba sa mga pagsubok nito.  Parating mangarap, parating kumilos para sa katuparan ng mga pangarap.

 

Magmahal para mamahal.  Maging lider sa larangang pinili.  Mag-graduate studies, magtapos ng graduate studies.  Kumain ng masarap kundi man kumain ng tama.  Mag-exercise, alagaan ang katawan para maalagaan ang utak.  Magkaroon ng hobby, kahit ano: mushroom farming, basket weaving, gardening, moderate drinking.  Maghanap ng chillax place, maghanap ng chillax pals.  Pumili ng magaan na pag-ibig, pumili ng magaang kaibigan.  Pumili dahil dapat kaya ninyo na ito.

 

Ariin ang iyong mundo dahil kundi aariin ito ng iba.  Makibahagi sa mga protesta, lalo na sa bansang ito na hindi nauubusan ng isyu at mga dapat ipaglaban.  Walang exemption, manindigan parati para sa bayan.  At wala ring exemption, pagsilbihan ang bayan.

 

Kapag lahat kayo ay sama-samang pinagbuti ang personal at profesyonal na buhay, maiaangat ninyo ang ranggo ng Filipinas na nasa bilang na 40s sa buong mundo[x]; matutulungan ninyong magkaroon ng syentifikong kultura ang bansa na ang mga peryodikong paglubog ng mga feri na ikinamamatay ng daan-daan taon-taon, o ang penomenong naganap ssa Onday ay hindi na sasabihing simpleng “acts of God”; na sa pagkakaroon syentifikong kultura ay higit na magpapatibay sa sistema ng akwantabilidad sa governance ng bansang ito; na sa pamamagitan ng syensya, uunlad ang buhay ng mamamayan at magkakaroon ng panlipunang hustisya.  At sa hinaharap, sa iba’t ibang yugto ng inyong buhay, lilingon at babalik kayo sa inyong Kolehiyo at sa UP na nakangiti si Inangbayan:   ang honor, excellence, at public service ng UP ay inyong isinabuhay, at ikararangal niya kayong tawagin noon at sa hinaharap na kanyang syentistang skolar ng bayan.

 

Ang pakikinig sa graduation speaker parang emo na sandali:  nagkakalituhan ang pakiramdam na excitement, guilt, galit, takot at galak sa sinasabi.

 

Bilang panghuli, gusto kong banggitin ang tatlong sinabi ng paboritong kong physicist si Albert Einstein:  una para sa kagyat na hinaharap matapos ng graduation, “Education is what remains after one has forgotten everything he learned in school”; ikalawa, para sa pagpili ng prioridad sa buhay, “”Not everything that counts can be counted, and not everything that can be counted counts”; at ikatlo, para sa pananagutan natin sa bayan, “Those who have the privilege to know have the duty to act.”

 

Humayo mga bagong syentistang skolar ng bayan, humayo at magpakabuti, humayo at magpakagaling, humayo at magparami, humayo at baguhin ang mundo, humayo sa ikararangal ni Inangbayan.

 

Pinakamainit na pagbati sa inyong lahat, graduating class 2012 ng Kolehiyo ng Agham!

 

Science Amphitheater

Abril 21, 2012, ang narekord na pinakamainit na araw sa Metro Manila

 

[i] Editorial, Manila Times (10 Hunyo 2010), hinalaw kay Karl Wilson, “School drop-out rates highlight lost decade of education in the Philippines” (28 Hunyo 2010), http://www.thenational.ae/news/world/asia-pacific/school-drop-out-rates-highlight-lost-decade-of-education-in-philippines#page2, inakses 21 Abril 2012.

[ii] Ibid.

[iii] 2008 na datos ng Commission on Higher Education, hinalaw kina Glaiza May Muzones at Josette Emily de Jesus, “As cost of education rises, dropout rates among Filipinos soar” (30 Mayo 2009), http://bulatlat.com/main/2009/05/30/as-cost-of-education-rises-dropout-rates-among-filipinos-soar/, inakses 21 Abril 2012.

[iv] “Chapter 3 High School Graduates,” nces.ed.gov/pubs2001/proj01/chapter3.asp, inakses ng 21 Abril 2012.

[v] “UPCAT results for schoolyear 2011-2012 out” (4 Enero 2011), http://www.gmanetwork.com/news/story/209683/news/nation/upcat-results-for-school-year-2011-2012-out, inakses 21 Abril 2012.

[vi] Ayon kay Chancellor Caesar Saloma, informal na usap,2012.

[vii] “UPCAT…”, ibid.

[viii] Ayon kay Gani Tapang, associate dean for student affaris, College of Science, 21 Abril 2012.

[ix] “Vision-Mission,” http://www.dlsu.edu.ph/inside/misvis.asp, inakses 21 Abril 2012.

[x] Wilson, ibid.

Advertisements