Bagong Taon, Bagong Hamon Para sa mga Siyentista ng Bayan

Posted on June 22, 2010 by

3


“Matatapang! Matatalino!” Ito na marahil ang dalawang salitang pinakamadalas gamitin sa paglalarawan ng mga estudyante ng UP Diliman. Kaya naman, hindi natin maikakaila na labis tayong natuwa at nakahinga ng maluwag nang mabalitaang nakapasa tayo sa UPCAT.

Kasama ng mga maleta paluwas mula sa mga probinsya ay ang mga pusong puno ng mga pangarap ng magandang buhay para sa sarili at sa pamilya. Sa isip naman ay dala ang mga plano kung papaano haharapin ang hirap ng mga exams, projects at iba pang mga problema.

Ang A.Y. 2010-2011 ay panibagong taon para sa mga Siyentista ng Bayan upang harapin ang mga tumitinding pagsubok sa buhay-estudyante, freshie man o upperclass. Andyan ang mga istriktong propesor, makukulit na mga kaklase, puyatang group projects at mahal na mga bayarin sa unibersidad. Napakaswerte natin. Hindi tayo napabilang sa milyung-milyong mag-aaral na hindi nakapag-enroll.

Ngayong taon kasi ay 339 na mga kolehiyo at unibersidad ang pinahintulutan ng CHED na magtaas ng matrikula. Sa UP Diliman lang, hindi kinakaya ng mga mahihirap na estudyante ang P15,000/semestre na halaga ng matrikula na ipinatupad noong 2007 sa ilalim ng pamumuno ni UP President Emerlinda Roman at UPD Chancellor Sergio Cao. Hindi pa kasama doon ang mga laboratory fees at iba pang mga bayarin lalo na sa College of Engineering at College of Science na aabot mula P100-P1500 kada subject.

Dahil dito, marami ang mga hindi nakakatapos sa kanilang napiling kurso. Hindi kakaunti ang mga pilit na sinisiksik sa kanilang oras mga nakakapagod raket bilang part-time call center agent. Ang iba naman ay nagiging tutor. Magkaroon lamang ng pambayad sa matrikula at panggastos araw-araw.

Ilan lamang iyan sa mga problemang kinakaharap nating mga estudyante sa UP Diliman. Sa mga susunod na mga buwan at taon ay mas malalaman natin ang mga kalagayan at isyu sa loob at labas ng ating unibersidad. Kung tayo’y makikisangkot, higit na maiintindihan natin ang mga problemang kinakaharap ng sambayanang nagpapaaral sa atin. Oo, malaki man ang ating binabayarang tuition fee, tumatakbo pa rin ang UP gamit ang pondo galing sa mga buwis ng sambayanang Pilipino na kalakhan ng bilang ay naghihirap na mamamayan.

Nakakayamot isipin na maraming balakid sa ating daan patungo sa pagtupad sa ating pangarap na magandang buhay. Sa halip na naka-focus tayo sa pag-aaral upang maging magaling na engineer, physicist, biologist, chemist, geologist o mathematician at bukod pa sa mga personal na problema, may mga iba pang isyung panlipunan na kailangang intindinhin – korapsyon, mataas na bilihin, krimen, pagkawasak ng kalikasan, pandarahas at lahat ng anyo ng pang-aabuso.

Marahil ito ang dahilan kung bakit binansagang matatapang at matatalino ang mga estudyante ng UP. Sa harap ng matinding kahirapan at kalupitan, napapanday ang mga pinakamahuhusay na kabataan. Nandito ang mga estudyante na kahit kapos sa mga pasilidad ay nagagawa pa ring maging kilala bilang magagaling sa kanilang napiling karera. Nandito ang mga estudyanteng kahit gipit at kulang sa pinansya ay magagaling dumiskarte upang makatapos.

Ngunit higit sa lahat, narito din sa unibersidad ang mga Iskolar at Siyentista ng Bayan na kahit abala sa paglutas sa mga problemang acads at personal ay hindi nakakalimutang ialay ang kanilang husay at talino sa pagtulong sa sambayanang Pilipino.

Sabi nga ni Albert Einstein:

“Man can find meaning in life, short and perilous as it is only through devoting himself to society,”

Make Science and Technology Serve the People!

Para sa mga nais maging miyembro o kaya naman ay nais lang makatanggap ng mga balita tungkol sa mga ginagawa/proyekto ng AY, paki-fill up ang aming spreadsheet.

http://spreadsheets.google.com/viewform?formkey=dFFFVV96eUhtTlo4amZNSmppOVlsQ3c6MQ

Advertisements
Tagged: