We need pro-people, pro environment mining in the Philippines!
Sabihin na nating malamig: ang pagturing sa mga natutulog na ginto sa mapulang putik.
Umiidlip ng milyong taon sa suso ng bubot na bundok
bibilangin mo kung ilang tumpok ng barya ang kayang
ibili ng andap-andap na kinang ng maitim na bato.
Sasabihin kong tingnan mo ang bayan ko:
pinapanday ng kalabaw ang kapatagan, ng agila ang himpapawid
ng sangumay at waling-waling ang kagubatan.
Sasabihin mong inaantok: ang bayan kong sangkahig na manok
kaya sabi mo’y pukawin ang himbing at hukayin ang liblib.
Tingnan mo ang bayan mong gising ang mga metal.
Sasabihin kong mahapdi: sa mata ang mga kislap ng neon,
sa lalamunan ang serbesa at sa baga ang usok
Sasabihin kong mawawakwak sa dibdib: ang batang namumulot ang uling,
ang babaing naglalako ng talim, ang amang hindi kumakain,
Sabihin na nating magnanaknak: sa merkuryo ang sugat, sa cyanide ang isda,
sa asupre ang kangkong, sa lason ang gutom.
Heto ang Bayan ko:
Nabubuhay ako sa kanyang dugo
kung mamamatay ako’y susuhin ng lupa ang aking dugo
at magiging sandata ng ilog ang mga kalansay at bungo.
Nakita ko na ang ibang bayan:
Tinipon nila ang bakal na tatagpas sa kanilang mga ulo
Bawat minahang ibubukas at sinasara ay dinilig ng kanilang dugo.
Muli ipapaalala ko sa iyo:
Hindi lahat ng kumikinang ay ginto.# (IT, circa 2008)






Posted on February 28, 2011 by Agham Youth
0